Palasyo naglabas ng temporary guidelines sa pagpapatupad ng community quarantine sa NCR
Naglabas ang Palasyo ng Malakanyang ng temporary guidelines sa pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila.
Kasunod ito ng pagtataas sa Code Red Sub-level 2 ng Coronavirus Disease (COVID-19) kasunod ng tumataas na bilang ng kaso ng sakit sa bansa.
Sa inilabas na memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ipinag-utos sa lahat ng pinuno ng mga ahensya ng gobyero, local government unit (LGU), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-iimplementa ng panuntunan sa pagpapatupad ng social distancing sa Metro Manila.
Epektibo ang community quarantine sa Metro Manila simula 12:00 ng madaling-araw ng March 15 hanggang 12:00 ng madaling-araw ng April 14.
Kasunod nito, suspendido ang klase at lahat ng aktibidad sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila hanggang April 14.
Ipinag-utos sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya para tiyaking magsasagawa ng flexible arrangement para sa requirements ng mga estudyante sa paaralan.
Sisiguraduhin naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) at LGUs na mananatili sa kani-kanilang tahanan kasabay ng kanselasyon ng klase.
Ipinagbabawal din ang mass gathering kabilang ang movie screenings, concert, sporting event, at ibang entertainment activities.
Papayagan naman ang essential work-related meetings at religious activities basta titiyaking magsasagawa ng social distancing.
Pinapamanduhan din sa DILG at LGU ang pagpapatupad ng general at enhanced community quarantine sa Metro Manila
Ang general community quarantine ay isang kondisyon kung saan limitado ang galaw ng mga residente. Maaari lamang lumabas ang mga residente para pumunta sa trabaho at bumili ng mga pangangailangan. Magkakaroon din ng quarantine officers sa border points.
Ang enhanced community quarantine naman ay pagpapatupad ng istriktong home quarantine, suspensyon ng transportasyon, ire-regulate ang pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan, at titindi ang presensya ng uniformed personnel para sa quarantine procedures.
Ipatutupad ito ng DOH at DILG kapag lumala ang sitwasyon sa isang lugar.
Magpapatupad ng alternatibong work arrangements sa Executive Branch at hiniling din na ipatupad ito sa legislative at judicial branch.
Hinikayat din ang mga employer ng pribadong sektor na magbigay ng flexible working arrangement.
Mananatili namang nakataas sa full alert status sa PNP, AFP, PCG, at health and emergency workers.
Samantala, ipinagbabawal din ang domestic travel at domestic sea travel sa NCR.
Papayagan naman ang mga nagtatrabaho sa Metro Manila na makabiyahe kung makakapagpakita ng katibayan ng employment sa isang kumpanya sa mga itatalagang checkpoints.
Ipagbabawal pa rin ang pagbiyahe sa mga bansang mayroong travel restrictions.
LOOK: Palasyo ng Malakanyang, inilabas ang panuntunan para sa ipatutupad na quarantine sa Metro Manila pic.twitter.com/eVNcvEZbNI
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) March 14, 2020
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.