5 pulis, 2 civilian employees under monitoring sa COVID-19
Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) na apat sa kanilang pulis at dalawang non-uniformed personnel (NUP) ang napabilang sa ‘persons under monitoring’ dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Police Major Gen. Benigno Durana Jr., ang acting spokesman ng PNP, ang kanilang PNP Health Service ang nakatutok sa kanilang tatlong pulis at isang kapamilya ng isang pulis.
Aniya, ang mga ito ay nasa home quarantine at dalawa sa kanila ang galing ng Tokyo, Japan.
Samantala, isang pulis-San Juan naman ang tinututukan din dahil sa nakaharap nito ang isang pasyente na nag-positibo sa COVID 19.
Dalawa pang pulis na nakatalaga sa Eastern Police District (EPD) ang mino-monitor dahil sa kanilang pagbiyahe sa Japan.
Silang tatlo ay isinailalim na rin sa home quarantine.
Samantala, sinabi ni Durana na ipinasuspinde na ni PNP Chief General Archie Gamboa ang pag-biyahe sa labas ng bansa ng kanilang mga opisyal at tauhan maging ito ay may kinalaman sa kanilang trabaho dahil sa mga bagong kaganapan na may kinalaman sa nakakamatay na virus.
Aniya, ang lahat din ng leave applications ay naka-hold sa Directorate for Personnel and Records Management.
At dahil sa contact tracing ng DOH sa isang COVID 19 patient sa Barangay West Crame sa San Juan City, isinara muna ang Gate 4 ng Camp Crame.
Kaugnay pa nito, babantayan na ng PNP medical personnel ang lahat ng aktibidad sa PNP Multi Purpose Center sa Camp Crame.
Nabanggit din ni Durana na magpapakalat sila ng mga pulis sa malls, amusement parks at gaming centers sa Metro Manila para pauwiin ang mga estudyante na walang pasok dahil suspendido ang mga klase.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.