Locsin, ipinagtangool ng Palasyo sa pagboto sa China sa WIPO
Dinepensahan ng Palasyo ng Malakanyang ang pagboto ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa China kaysa sa Singapore para sa posisyon na director general ng World Intellectual Property Organization (WIPO) sa Geneva.
Pahayag ito ng Palasyo matapos pumalag si Singaporean foreign minister Vivian Balakrishna sa hindi pagboto ni Locsin kay Singapore’s Intellectual Property chief executive Daren Tang bilang suporta sa ASEAN bloc at pinili ang China.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na wala sa nationality ang basehan ni Locsin sa pagboto sa WIPO.
“Si Secretart Teddy Boy Locsin will be voting for a person that he feels is competent and should be given the job. Nothing to do with whatever nationality,” ani Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na ang competence ang naging sandalan ni Locsin sa pagpili sa China kahit na inaakusahan pa ito na violator o lumalabag sa intellectual property rights.
Dagdag pa ni Panelo, hindi na kailangan na malaman pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ni Locsin dahil ang mga importante o mahahalagang bagay lamang ang kinakailangan na ipaalam sa pangulo.
Ayon kay Panelo, ang mga ordinaryong trabaho ng isang Cabinet member ay dapat hindi na sabihin sa pangulo.
“The President does not have to know everything that Secretary Teddy Boy Locsin does. Ang mga kailangan ni Presidente ‘yun lang ang mga importanteng bagay. ‘Yung mga ganung ordinaryong trabaho ng Cabinet member, he does not have to know that,” pahayag nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.