Writ of habeas corpus kay NPA leader Rodolfo Salas, isasalang sa oral argument ng SC
Nagtakda na ng petsa ng pagdinig ang Kataas-taasang Hukuman para sa hiling na writ of habeas corpus sa dating New People’s Army (NPA) leader na si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog.
Sa impormasyong pinalabas ng Korte Suprema, itinakda na ang oral argument ng mga mahistrado sa SC Third Division sa susunod na Huwebes, March 12, sa ganap na 9:30 ng umaga.
Kasabay nito, inatasan na rin ng SC si Manila City Jail warden Chief Inspector Lloyd Gonzaga na magsumite ng verified return ng writ at iharap sa korte sa loob ng limang araw mula sa kanyang pagkakatanggap ng kautusan ang akusadong si Salas.
Si Salas ay kasalukuyang nakapiit sa Manila City Jail Annex dahil sa 15 bilang ng kasong murder na konektado sa rebelyon.
Matatandaang ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court Branch 32 ang arraignment o pagbasa ng kaso laban kay Salas nung February 28.
Hindi itinuloy ang arraignment matapos hilingin ng anak at ng mga abogado ng free legal assistance group kay Judge Thelma Bunyi-Medina na hintayin na muna ang ilalabas na desisyon ng SC sa petiyong kanilang inihain nung February 24.
Isinasangkot ng pulisya si Salas sa mga insidente ng pagpatay noong 2006 matapos makita ang mga kalansay sa isang mass grave sa Inopacan, Leyte na pinaniniwalaang kagagawan ng NPA na kanyang kinaaniban noon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.