Pagtatayo ng permaneteng military camp sa Marawi tuloy na
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging permanente na ang presensya ng militar sa Marawi City kung kaya kinakailangan nang magtayo ng kampo sa lugar.
Pinulong, Miyerkules ng gabi, ni Pangulong Duterte si Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario para talakayin ang ginagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa Marawi City matapos ang ginawang paglusob ng teroristang ISIS at Maute group noong May 2017.
Pakiusap ng pangulo sa mga taga-Marawi, suportahan na muna ang hakbang ng pamahalaan na magpakalat ng mga sundalo sa lugar hindi para labanan ang mga Maranao kundi ang mga terorista.
“I’m not after the Maranao, ang akin d’yan is the military should be there to avoid a repeat of… ‘yang military hindi ‘yang Maranao ang hinahanap n’yan, the terrorists that terrorize everybody,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, ayaw na niyang maulit ang ginawang pag-atake ng teroristang grupo sa naturang siyudad may tatlong taon na ang nakararaan.
Mahalaga aniya na may control ang pamahalaan sa lugar dahil hindi lamang ang Islamic extremists ang kailangan bantayan kundi maging ang mga komunistang rebelde.
Ayon sa pangulo, kapag tahimik na ang Marawi at siguradong ligtas na, maari nang lumabas ang mga sundalo.
“It’s the age of terrorism so we will just have to do something about it. Come up with something that can mitigate. Anyway, pagka-peaceful na, then it’s about time na the military will go out. My decision to build a military camp there will remain,” pahayag pa ng pangulo.
Kasabay nito, itinalaga ng pangulo si del Rosario bilang point person at hahawak ng pondo para sa rehabilitasyon sa Marawi.
Kinakailangan aniyang makipag-ugnayan ni del Rosario sa Department of Budget and Management (DBM).
Aabot sa P5.1 bilyon ang inilaang pondo noong 2018 para sa Marawi rehabilitation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.