Pilipinas bukas na ulit sa pangungutang at donasyon mula sa mga bansang sumuporta sa Iceland sa drug war investigation
Nakahanda na muli ang Pilipinas na tumanggap ng donasyon o mangutang mula sa mga bansa na sumuporta sa resolusyon ng Iceland na nagpapa-imbetiga kay Pangulong Rodrigo Duterte sa United Human Rights Council dahil sa madugong kampanya sa anti-drug war na nauwi na umano sa extrajudicial killings.
Base sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong February 27, 2020, lifted na ang suspension order ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaabisuhan nito ang lahat ng Gabinete maging ang mga government-owned and controlled corporations (GOCC) at government financial institutions na maari nang mangutang sa ibang bansa.
Kinakailangan lamang na kumuha ng approval mula sa approving authority at clearance ang mga miyembro ng Gabinete at tiyaking sumusunod na mga panuntunan.
Wala namang ibinigay na rason ang Palasyo sa pagbawi sa suspension order.
Inilabas ni Pangulong Duterte ang suspension order noong nakaraang taon matapos magalit sa Iceland dahil sa pakikiaalam sa panloob na usapin sa Pilipinas.
Kabilang sa mga sumuporta sa resolusyon ng Iceland ang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, UK, at Uruguay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.