WATCH: Operasyon ng POGO, maaring suspindehin ni Pangulong Duterte
Hindi isinasantabi ng Palasyo ng Malakanyang na suspindehin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ay habang may ginagawang imbestigasyon ang Senado at ang Department of Finance (DOF) sa mga kontrobersiya na bumabalot sa POGO industry.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, tiyak na may gagawing hakbang ang pangulo kapag grabe na ang reklamo sa POGO.
Tiniyak ng Palasyo na walang blanket protection sa Pilipinas ang mga pasaway na Chinese worker sa POGO.
Ayon kay panelo, hindi sasantuhin ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang sinuman na lumalabag sa mga itinatakdang batas ng Pilipinas.
Ilan sa mga kontrobersiya na bumabalot sa POGO industry ang “Pastillas scheme” o suhulan sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, prostitution den, money laundering, droga, kidnapping at hindi pagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na wait and see muna ang Palasyo sa gagawing hakbang ng mga mambabatas kung idedeklarang ilegal ang POGO.
Patuloy namang hinihimok ng Palasyo si Senador Richard Gordon na ibahagi sa mga awtoridad ang mga impormasyong hawak nito kaugnay sa mga ilegal na gawain ng POGO workers.
Ayon kay Panelo, sa ganitong paraan, maayos na maaksyunan ng pamahalaan ang mga problema sa POGO industry.
Matatandaan na una nang isiniwalat ni Gordon na simula December 2019 hanggang February 2020, mayroong milyong dolyar na ipinasok ang mga Chinese national sa bansa na karamihan ay nagta-trabaho sa POGO industry.
Narito ang buong report ni Chona Yu:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.