DOH sa publiko: Huwag mangamba sa COVID-19 dahil walang local transmission ng sakit

By Ricky Brozas March 02, 2020 - 04:00 PM

Sa kabila ng pagtaas ng World Health Organization (WHO) sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) bilang very high risk, pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag mangamba dahil wala pa namang local transmission ng virus sa bansa.

Kasabay nito, pinayuhan ni DOH Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire ang publiko na huwag matakot kahit na makaramdam ng mga sintomas ng COVID-19 gaya ng ubo, pananakit ng lalamunan, at lagnat kung hindi naman nagbyahe sa mga bansang apektado ng virus.

Samantala, ipinagmalaki ng DOH na patuloy pa ang pagbaba ng bilang ng mga patient under investigation (PUI) dahil sa COVID-19.

Sa ngayon ay nasa 43 na lamang ang bilang ng PUI na naka-admit habang nasa 592 naman ang na-discharge na.

Kasama sa mga bagong bilang ng PUI ang 14 na Filipino mula sa MV Diamond Princess cruise ship at naka-quarantine sa New Clark City sa Tarlac.

Sa 10 nagnegatibo sa virus, walo ang wala ng sintomas kaya maaari na silang ibalik sa NCC.

Ayon sa DOH, kahit negatibo na sa virus, hindi naman basta pwedeng ibalik sa NCC ang mga repatriate hanggang hindi nawawala ang mga sintomas ng COVID-19.

Umakyat naman sa 86 ang bilang ng mga Filipino sa ibang bansa ang nagpositibo sa virus.

Pinakamarami sa Japan na nasa 80 pero 32 sa mga ito ay gumaling na.

Samantala, sinabi ni Vergeire na nakabalik na sa kanilang bansa ang 15 Koryano na una nang nakarating sa Pilipinas bago pa naipalabas ang travel ban sa Daegu City at North Gyeongsang Province.

Habang ang dalawa naman ay na-locate na rin at inaasahang babalik na sa Korea. Ang pito naman na iba pa ay naka-quarantine sa kanilang hotel.

May isa namang sinasabing nagtungo umano sa Angeles, Pampanga.

TAGS: Asec. Ma. Rosario Vergeire, COVID-19, doh, Asec. Ma. Rosario Vergeire, COVID-19, doh

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.