Word-war ng mga kongresista sa isyu ng speakership, lalong umiinit
Bumuwelta si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon si Deputy Speaker LRay Villafuerte sa ginawang panghahamak kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay Leachon, dapat itikom ni Villafuerte ang bibig dahil puro kasinungalingan lamang naman ang pinagsasabi nito.
Sabi ni Leachon, hindi tulad ni Villafuerte na minana lang ang posisyon sa pulitika sa kanyang ama.. si Velasco anya ay nagsimula bilang provincial administrator bago naging 3rd-termer congressman ng Marinduque.
Tinawag rin nitong oportunista ang Deputy Speaker na sinasamantala anya ang pagiging malapit sa House leadership para maisulong ang personal na interes gaya ng P10 bilyong pisong insertion sa budget kabilang ang P500 million para sa construction ng kapitolyo sa Camarines Sur kung saan gobernador ang anak nito.
Hinamon din ni Leachon si Villafuerte na pangalanan ang 20 kongresista na sinasabing inalok ng chairmanship position ni Velasco.
Reaksyon ito ng kongresista sa pagtawag ni Villafuerte kay Velasco na walang kredibilidad dahil sa pagtanggi sa nilulutong kudeta at walang kakayahan na pamunuan ang Kamara dahil sa kawalan ng track record.
Pinagsabihan rin nito si Kabayan Rep. Ron Salo na huwag masyadong ipahalata ang pagiging bias matapos banatan sina Buhay Rep. Lito Atienza at PBA Rep. Jericho Nograles.
Naniniwala ang kongresista na ang pakanang ito ng mga kakampi ng Speaker ay squid tactic para impluwensyahan ang mga miyembro ng Kamara na huwag kilalanin ang term-sharing agreement.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.