Mga sensitibong impormasyon, nalantad sa Mamasapano reinvestigation-Amb. Goldberg
Binatikos ni US Ambassador to Philippines Philip Goldberg ang isinagawang reinvestigation ng Senado, para palabasin ang katotohanan sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 commandos ng Special Action Force (SAF) isang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Goldberg, mali ang ginawang pagsisiyasat sa Senado, sa pangunguna ng committee on public order and dangerous drugs na hawak ni Sen. Grace Poe, dahil hindi ito ginawa sa isang closed session.
Dahil kasi sa paraan ng imbestigasyon ng Senado, may mga sensitibong impormasyon ang nailabas tungkol sa operasyon sa engkwentro sa Mamasapano.
Kabilang na nga dito ang sinasabing kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga pulis at militar, pati na ang pagiging bahagi ng mga pwersa ng Amerikano sa “Oplan Exodus” na naglalayong dakipin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.
Ikinadismaya pa ni Goldberg ang pagbu-bunyag ni dating SAF commander Getulio Napeñas na hindi lamang US military ang tumulong sa kanilang operasyon kundi pati mga “civilian types” na umano’y mga kasapi ng Central Intelligance Agency o CIA.
Nagsi-labasan ang mga impormasyon na ito nang magka-iringan sina Napeñas at iba pang mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kinailangan pang sitahin ni Sen. Gringo Honasan ang mga ito dahil sa kanilang gigil sa pakikipagbangayan, nadudulas na sila at nailalabas na nila sa pagdinig ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa mga operasyon ng militar na hindi dapat inilalabas sa publiko.
Ikinumpara ni Goldberg ang sitwasyon sa kanilang ginagawa sa Amerika at sinabing hinding hindi ito maaring hayaan mangyari sa kanilang bansa, dahil ang mga ganitong usapin aniya ay tinatalakay sa isang pribadong lugar o sa isang closed session.
Mayroon aniya silang espesyal na proseso para sa mga ganito kasensitibong usapin, para hindi maging bukas sa sinumang may hindi magandang intensyon ang mga mahahalagang impormasyon ng gobyerno lalo na kung ito ay patungkol sa kilos ng mga militar.
Ani Goldberg, bagaman naging matagumpay ang pagpapatumba kay Marwan, isang trahedya ang kinahinatnan ng mga miyembro ng SAF pagkatapos nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.