AFP, maaring may basehan sa pagdawit sa ilang kagawad ng media sa makakaliwang grupo – Palasyo
Maaring may nakitang sapat na basehan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para idawit sa makakaliwang grupo ang ilang mga kagawad ng media na kritikal sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi naman basta naghihinala na lamang ang AFP nang walang sapat na ebidensya.
“Alam mo ‘yung AFP, ‘yung in-charge diyan, hindi naman basta nagsususpetsa ‘yun kung walang basehan. ‘Pag ikaw ay sinabing kumikiling ka sa kaliwa at meron kang sinasabi laban sa gobyerno, ibig sabihin meron silang basehan, may ebidensiya sila na ‘yun nga ang ginagawa mo,” ani Panelo.
Pero ayon kay Panelo, hindi naman dapat na mabahala ang mga kagawad ng media kung maiugnay man sa makakaliwang grupo kung wala naman itong ginagawang masama laban sa pamahalaan.
Batid naman aniya ng taong bayan na walang pakialam at hindi pinapansin ni Pangulong Duterte ang mga pangbabatikos sa kanya.
“Alam mo, kung wala kang ginagawa hindi ka dapat matakot. Nakita mo naman si Presidente, kahit anong criticize mo sa kanya hindi naman niya pinapansin,” giit pa nito.
Kabilang sa mga iniuugnay sa makakaliwang grupo sina Inday Espina Varona ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), Froilan Gallardo ng MindaNews at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.