BI sa mga dayuhan: Huwag magpakita ng masamang asal

By Ricky Brozas February 24, 2020 - 02:29 PM

Muling binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga foreign national o mga dayuhang nasa bansa na magpapakita ng masamang asal o magiging pasaway.

Ito ay kasunod ng panibagong insidente na kinasasangkutan ng isang Tsino na dumura sa loob ng isang fast food chain habang naghihintay ng kanyang order at namigaw pa ng crew at gwardiya ng kainan sa Tondo, Maynila.

Ang Chinese na nakilalang si Jinxiong Cai alyas Willy Choi ay inaresto ng Manila Police District o MPD at ngayo’y nahaharap sa grave scandal, malicious mischief at iba pa.

Nauna namang hinuli ng BI ang isang Chinese national na noon ay viral sa social media dahil nandura ng isang pulis- Maynila matapos maaresto bunsod ng paglabag sa number coding at nakuhaan pa ng ilegal na droga.

Ayon kay Dana Sandoval, ang tagapagsalita ng BI, ang mga dayuhan na walang respeto sa mga batas ng ating bansa o nambabastos ng mga otoridad ay ikinokonsiderang “undesirable aliens.”

Sinabi pa ni Sandoval na maliban sa mahaharap sa mga kaso, ang mga banyagang mapapatunayang nagkasala ay ipade-deport at maba-blacklist na sa pagpasok sa Pilipinas.

Dagdag ni Sandoval, sakaling nasa airport na ang dayuhang papasok sa Pilipinas at nabatid na siya ay bad record, may kaso o pugante, siya ay agad na papababalikin sa pinagmulang bansa at hindi na papayagang pang makapasok sa ating bansa.

Tiniyak pa ni Sandoval na patuloy ang monitoring ng BI sa mga foreign national na nasa loob ng bansa, hindi lamang ang mga arogante o nagvi-viral sa social media kundi iba pang maaaring banta sa kaligtasan ng mga tao.

TAGS: Jinxiong Cai, Willy Choi, Jinxiong Cai, Willy Choi

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.