Prangkisa ng ABS-CBN hindi na matatalakay sa nalalabing sesyon ng Kamara – Cayetano
Hindi na matatalakay pa ng Kamara bago magtapos ang prangkisa ng ABS-CBN sa March 30 ng kasalukuyang taon.
Ito ang inamin ni House Speaker Alan Peter Cayetano kasunod ng mga batikos at panawagan para aksyunan ang nakabinbing renewal ng prangkisa ng broadcast giant.
Sinabi nito na posibleng sa muling pagbabalik ng sesyon ng Kamara sa Mayo matapos ang kanilang Holy Week break masisimulan ng House Committee on Legislative Franchises ang prangkisa ng Lopez-led corporation.
Paliwanag ni Cayetano, maraming mas urgent na isyu na kailangang unahing dinggin ng Kamara tulad na lamang ng supplemental budget at rehab plan sa Taal Volcano eruption at ang banta ng COVID-19.
Pero paglilinaw ng Speaker, hindi ito nangangahulugan na hindi nila pinahahalagahan ang nasa 11 libong empleyado na posibleng maapektuhan ng pagsasara ng kumpanya.
Katunayan aniya ay maaari pa rin naman magpatuloy ng operasyon ang media network hanggang 2022 habang nakabinbin pa ang panukala para sa kanilang franchise.
Habang wala pang pagdinig na ginagawa ay hinikayat ni Cayetano ang mga pabor at tutol na magpalamig muna ng ulo sa usaping ito.
Katwiran pa nito, kung ipipilit ng komite ang hearing ay tiyak na magtatagal ito sa paglalahad pa lamang ng punto ng magkabilang panig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.