Palasyo, dumistansya sa pagbasura ng DOJ sa kasong sedition vs Robredo
Iginagalang ng Palasyo ng Malakanyang ang naging desisyon ng Department of Justice (DOJ) na ibasura ang kasong sedisyon laban kay Vice President Leni Robredo, Senators Risa Hontiveros, Leila de Lima at iba pa.
Sinampahan ng kasong sedition ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Robredo dahil sa pakikipag- sabwatan umano kay Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’ para sa paggawa ng video na “Ang Totoong Narcolist” kung saan idinadawit ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, naging polisiya na ni Pangulong Duterte na hindi pakialaman ang trabaho ng ibang departamento.
Hahayaan aniya ng Palasyo na umiral ang batas sa Pilipinas.
“Well as a matter of policy, the president does not interfere in any pursuing involving the departments. If that is the finding of the department of justice as he keeps on saying, let the law take its course,” ani Panelo.
Iginiit pa ni Panelo na walang halong pulitika ang isinampang sedition laban kay Robredo.
“We never engage in politics,” dagdag pa nito.
Bagamat abswelto si Robredo, nadiin naman sa kaparehong kaso sina dating Senador Antonio Trillanes IV, Advincula, at siyam na iba pa.
Payo ni Panelo kay Trillanes, may oportunidad at pamamaraan naman si Trillanes na depensahan ang sarili at remedyuhan ang kaso at ito ay sa pamamagitan sa pagdulog sa korte.
“They have the opportunity to defend themselves. Again, the President says, let the law take its course. There are remedies available to them. They should avail of them,” ani Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.