Mga opisyal ng pamahalaan nakipagpulong sa mataas na opisyal ng Kuwait
Nakipagpulong sa matataas na opisyal ng Kuwait sina Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers (OFW) Concerns Secretary Abdullah D. Mama-o at Philippine Embassy in Kuwait Consul General Noordin Pendosina Lomondot.
Isinagawa ang pagpupulong sa Kuwait kung saan nakaharap ng mga opisyal ang mga kinatawan mula sa Ministry of Foreign Affairs ng naturang bansa para talakayin ang mga usapin para matiyak ang kaligtasan ng mahigit 230,000 na Filipinos sa Kuwait.
Dumalo sa pulong sa panig ng Kuwait si Kuwaiti Deputy Foreign Affairs Minister Khaled Al-Jarallah.
Ipinaliwanag ng mga opisyal ng pamahalaan ang nilalaman ng umiiral na deployment ban ng OFWs sa Kuwait base sa naging desisyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board.
Nagpasalamat naman si Mama-o sa pamahalaan ng Kuwait dahil sa mabilis na aksyon para matiyak ang hustisya sa pagkasawi ng Filipina domestic worker na si Jeanelyn Padernal Villavende.
Kabilang dito ang agarang pagdakip sa employers ni Villavende.
Ayon naman kay Deputy Foreign Minister Al-Jarallah para ipakitang sinsero sila sa ginagawang imbestigasyon ay papayagan nila ang mga imbestigador mula sa Pilipinas na makilahok sa ginagawang pagsisiyasat sa kaso.
Inaasahang sa lalong madaling panahon ay ilalabas ng Kuwaiti Foreign Ministry Office ang full reports ng police investigation at autopsy sa kaso ni Villavende.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.