Mahihinang pagsabog naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na magdamag
Sa nakalipas na 24 na oras ay patuloy ang steam emission at mas madalang na mahihinang pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa Taal Volcano Bulletin na inilabas ng PHIVOLCS alas 8:00 ng umaga. nagbuga ang bulkan ng kulay dark gray na ash plumes na ang taas ay 100 hanggang 800 meters.
Sinabi ng Phivolcs na sa nakalipas na magdamag, nakapagtala ng 65 volcanic earthquakes at dalawa dito ay nakapagtala ng Intensity I.
Simula naman noong January 12, 2020 ay umabot na sa 634 ang kabuuang bilang ng naitalang volcanic earthquake, 174 dito ay naramdaman at umabot sa hanggang magnitude 4.1 ang lakas.
Samantala, ang fissures o mga bitak sa lupa na unang nakita sa ilang barangay sa Lemery, Agoncillo, Talisay, at San Nicolas sa Batangas ay naobserbahan na lumawak pa.
Ayon sa Phivolcs, nananatili ang banta hazardous explosive eruption ng Bulkang Taal sa susunod na mga oras o araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.