Mayor Africa, nanawagang bukas ang Lipa, Batangas para sa iba pang evacuee
Nanawagan si Mayor Eric Africa na bukas ang Lipa, Batangas sa iba pang evacuee na nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng alkalde na marami pang eskwelahan ang maaaring gamitin bilang evacuation center.
Handa rin aniya ang ilang pribadong paaralan para tumulong sa mga residente ng Batangas.
Patuloy naman aniya siyang nakikipag-ugnayan sa iba pang alkalde sa Batangas na nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Africa, maayos naman ang sitwasyon sa Lipa, maging ang mahigit 4,000 evacuees na nananatili sa mga itinalagang evacuation centers.
Mapalad aniya ang Lipa dahil maraming dumarating na tulong mula sa gobyerno at mga private sector.
Dagdag pa ni Africa, walang nagkakasakit na evacuees sa Lipa.
24 oras aniyang nababantayan ang atensyong medikal sa mga evacuee sa tulong ng mga doktor sa lugar.
Operational din aniya ang lahat ng ospital sa lugar.
Pinayuhan naman ng alkalde ang mga residente ng nasabing bayan na sumunod sa mga ipinapatupad na hakbang ng national at local government.
Aniya, dapat ding manatiling kalmado ang mga residente sa kabila ng nagpapatuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.