‘Si Pangulong Aquino ang dapat sisihin sa SAF 44 massacre’-Enrile
Naparalisa ang chain of command sa Armed Forces of the Philippines nang mangyari ang madugong Mamasapano incident noong nakaraang taon.
Ayon kay Senador Juan Ponce Enrile, ginawang “compartmentalized” ni Pangulong Benigno Aquino III ang plano ng Oplan Exodus noong January 25, 2016 kaya’t hindi naisama sa plano ang mga pinuno ng PNP at ng Sandatahang Lakas.
Dahil dito, hindi aniya nakagalaw ng maayos ang mga opisyal at tauhan ng dalawang ahensya noong mga panahong kinaikailangan ng mga kritikal na desisyon upang maisakatuparan ng maayos ang plano.
Sinarili aniya nina Pangulong Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas ang pagpaplano upang i-neutralize ang Malaysian terrorist na si Marwan.
Ang “compartmentalization” aniya na ginawa ng Pangulo ang isa sa walong ‘blunder’ o kapalpakan ni Pangulong Aquino kaugnay ng Mamasapano incident.
Gayunman, hindi rin nakaligtas ang puwersa ng AFP sa pagka-irita ni Sen. Enrile sa kasagsagan ng Mamasapano reinvestigation.
Kinastigo ni Enrile si dating AFP Chief of Staff General Pio Catapang dahil hindi ito agad nakaresponde upang tulungan ang napapalabang SAF commandos sa Bgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Partikular na nairita ang senador nang hindi masagot ni Catapang kung ilang sundalo ang kanyang ipinadala upang tulungan ang mga SAF commandos noong January 25, 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.