US kailangang kondenahin ng Kongreso sa pag-atake sa Iraq
Iginiit ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat ding kundinahin ng Kongreso ang ginawang pag-atake ng Estados Unidos sa Iraq.
Ayon kay Zarate, ang naging hakbang na ito ng US ay naglagay sa alanganin sa buhay ng mga overseas Filipino worker sa Iraq at Iran.
Ito anya ay bukod pa sa gagawin ng Kongreso upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino na nasa Gitnang Silangan.
Tiniyak din nito na dadalo sa ipatatawag na special session ng Kongreso ang mga Makabayan solon upang mapag-usapan ang mga gagawin ng gobyerno sa tumitinding tensyon sa Middle East.
Kung kinakailangan anya ng karagdagang pondo para paglilikas sa mga OFW sa Iran at Iraq gayundin sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan ay dapat na umaksyon agad dito ang Kongreso.
Samantala, sinabi ni Zarate na dapat ding hilingin ng Kongreso sa United Nations (UN) na makialam na upang maiwasan na ang giyera.
Bukod dito, kailangan din anyang bigyan ng parusa ang US dahil sa pag-atake nito sa Iraq na ikinasawi ng kanilang top general.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.