6M deboto, inaasahang lalahok sa Traslacion 2020
Anim na milyong deboto ang inaasahang lalahok sa prusisyon sa taong 2020 ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik ng tahanan nito sa Quiapo Church. Iyan ay ayon sa social communications coordinator ng Quiapo Church na si Jonnaus Bautista.
Sinabi ni Bautista na maaring matapos ng mas maaga ang prusisyon sa 2020 kumpara noong nakaraang Traslacion dahil sa mas pinaiksing ruta.
Sa ilalim ng bagong ruta, dadaan ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Ayala Bridge sa halip na sa Jones Bridge.
Posible aniyang abutin lamang ng 15 hanggang 16 na oras ang Traslacion kumpara noong nakaraang taon na umabot ng halos 24 oras.
May mga nakahanda na rin aniyang mga opisyal ng simbahan sakaling tangkain ng mga deboto na dalhin ng mga deboto ang ruta ng prusisyon patungong Jones Bridge.
SECURITY MEASURES
13,000 pulis naman ang ipakakalat sa daraanan ng prusisyon para matiyak ang seguridad ng milyun-milyong deboto, ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, commander ng Manila Police District Station 3.
Siniguro rin ni Magdaluyo sa publiko ang “zero-vendor policy” na iniutos ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na istriktong ipatutupad sa kabuuan ng ruta ng Traslacion.
Ayon kay Magdaluyo, “ Walang kahit isa na maaaring magtinda sa daraanan ng prusisyon, dadamputin sila ng pulis.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.