CHR, kinondena ang pagpatay sa isang OFW sa Kuwait
Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpaslang sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.
Nasawi ang OFW na si Jeanelyn Padernal sa kamay ng kaniyang mga employer sa nasabing bansa.
Dahil dito, sa inilabas na pahayag, hinikayat ni CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana ang Kuwaiti government na tumalima sa pinirmahang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 para mahinto ang mga pang-aabuso sa mga nagtatrabahong Filipino sa Kuwait.
Hinikayat din nito ang gobyerno ng Pilipinas na pagbutihin pa ang mekanismo sa pagtutok at pagprotekta sa mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Iginiit din nito sa gobyerno ng Pilipinas at Kuwait na tiyaking mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Padernal at makulong ang mga responsable rito.
Patuloy naman aniyang tututukan ng CHR ang kaso.
Nagparating naman ng pakikiramay ang ahensya sa naiwang pamilya at mga mahal sa buhay ni Padernal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.