2 bata natagpuang patay sa loob ng kotse sa Antipolo City
Nakitang wala nang buhay ang dalawang bata sa loob ng isang nakaparadang kotse sa isang subdivision sa Antipolo City.
Kinilala ng Antipolo Police ang mga biktima sa pangalang Aljo at Ren na parehong apat na taong gulang.
Nabatid na buong magdamag na hinahanap ng mga magulang at kapitbahay ang dalawang bata sa loob ng Cavaliers Subdivision, Brgy. Santa Cruz sa Antipolo City.
Pero nagulat na lamang sila nang matagpuan ang mga ito mag-uumaga kanina na wala nang buhay sa loob ng nakaparatang Mitsubishi na kotse.
Sa pagsisiyasat naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakitaan ng bukol sa ulo si Aljo habang si Ren naman ay may pasa at sugat sa katawan.
Ayon kay Antipolo Police Chief Supt. Lucilo Laguna, posibleng suffocation ang ikinasawi ng dalawang bata at maaring na-trap sila sa loob ng kotse habang naglalaro.
Pero malaki din ang hinala ng mga magulang ng mga paslit na may foul play sa pagkasawi ng mga biktima dahil nakitaan din ng paso ng sigarilyo sa braso si Ren.
Huling nakita ang dalawa na naglalaro sa loob ng naturang sasakyan kahapon.
Patuloy ang follow-up investigation ng mga otoridad sa naturang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.