Bagong modus ng human trafficking syndicates, nadiskubre ng BI; 2 babae, naharang sa NAIA
Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang babaeng biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Grifton Medina, hepe ng BI Port Operation Division, naharang ang dalawa sa magkahiwalay na insidente.
Bagong modus operandi aniya ng human trafficking syndicates ang pagpapanggap sa mga biktima bilang nanny o yaya ng mga menor de edad para makalipad sa ibang bansa at kunwaring bibisitahin ang mga magulang nito.
Unang nahuli ang isang 42-anyos na babae noong December 10. Patungo sana ito kasama ang isang 14-anyos na babae sa Macau.
Sunod na napigil sa paliparan ang isang 31-anyos na babae kung saan isang 16-anyos na lalaki naman ang kasama papuntang United Arab Emirates (UAE).
“In both instances, the women pretended to be yayas or guardians of their minor companions. Indeed, these syndicates will stop at nothing in using every trick they can think of to skirt our ban on the departure of undocumented workers,” ani Medina.
Ayon naman kay Timotea Barizo, hepe ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), unang iginiit ng dalawa na yaya sila ng dalawang menor de edad.
Ngunit kalaunan, inamin din nito na sinabihan lamang silang samahan ang dalawang bata at magpanggap na sasamahan sa mga magulang nito para makabiyahe sa ibang bansa.
Lumabas din sa imbestigasyon na hindi ito ang unang beses na ginamit ang dalawang bata para makabiyahe ang mga umano’y guardian sa ibang bansa.
Sinabi nito na naniniwala silang nagtatrabaho ang mga naunang napabiyaheng yaya sa ibang bansa nang walang kaukulang dokumento.
“We believe that those alleged yayas ended up working abroad without proper documentation,” dagdag ni Barizo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.