AFP, hindi minanipula ang litrato ukol sa pagsuko ng rebelde sa Masbate – Palasyo
Hindi kumbinsido ang Palasyo ng Malakanyang na minanipula ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang litrato ng mga nagsisukong rebelde sa Masbate.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kausap niya mismo si Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon kay Panelo, base sa paliwanag ni Lorenzana, ginawang collage ang litrato. Ibig sabihin, pinagsama ang dalawang litrato kung kaya hindi ito maituturing na pagmanipula.
“Ganito ‘yun, nagkausap lang kami ngayon ni Secretary Delfin Lorenzana. Ang paliwanag sa kanya, ‘yung dalawang pictures na ‘yun, pinagsama lang. Kumbaga collage lang. Kumbaga authentic pareho ‘yun,” ani Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na totoo ang mga litrato subalit napagsama lamang ang dalawang litrato.
“Hindi naman minanipulate. Kinollage, pinagsama. ‘Yung dalawang pictures pinagsama sa isang picture. So that’s not manipulation. It would be different kung hindi totoo ‘yung sinama doon para lumabas na marami ‘yung nag-surrender,” dagdag pa nito.
Ayon kay Panelo, inatasan na ni Lorenzana ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing insidente.
“Pinaiimbestigahan iyan pero ‘yun ang paliwanag sa kanya,” sinabi pa ni Panelo.
Matatandaang umani ng batikos ang litrato na ipinalabas ng AFP matapos sabihin na sumuko ang mga rebelde ngayong Disyembre sa Masbate gayung noong 2016 pa ang naturang litrato at nagamit na sa kanilang press release.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.