Bagyong #UrsulaPH bahagyang bumagal; nasa ibabaw na ng West PH Sea
Bahagyang bumagal ang pagkilos ng Bagyong Ursula ngunit nakatawid na ito ng kalupaan at nasa ibabaw na ngayon ng West Philippine Sea.
Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 155 kilometro Hilagang-Kanluran ng Coron, Palawan.
Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 130 km kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 km bawat oras.
Kumikilos na lang ito sa bilis na 15 kilometro kada oras sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran.
Dahil sa patuloy na paglayo sa kalupaan, nakataas na lang ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa:
– Calamian Islands (Coron, Culion at Busuanga)
Signal no. 1 ang nakataas sa:
– Bataan
– Cavite
– Batangas
– Oriental Mindooro
– Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island
– At nalalabing bahagi ng extreme northern Palawan (Linapacan, at El Nido)
Ngaayong araw, paminsan-minsan hanggang madalas na malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Calamian Islands at Occidental Mindoro kasama ang Lubang Islands.
Mahina hanggang katamtaman na may panaka-nakang malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Oriental Mindoro, nalalabing bahagi ng extreme northern Palawan, CALABARZON, Metro Manila at Central Luzon.
Bawal pa rin ang paglalayag sa mga baybaying-dagat ng mga lugar na nasa tropical cyclone wind signals.
Inaasahang lalabas ang Bagyong Ursula ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.