VP Binay, binanatan ang kabiguan ni PNoy na iligtas ang SAF 44

By Kathleen Betina Aenlle January 25, 2016 - 06:12 AM

Inquirer Photo
Inquirer Photo

Binatikos ni Vice President Jejomar Binay ang kapabayaan umano ni Pangulong Benigno Aquino III na naging dahilan kung bakit hindi nagawang i-salba ang buhay ng Special Action Force (SAF) 44 sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Iginiit ni Binay na, pumalpak si Aquino sa kaniyang tungkulin bilang Commander in Chief dahil wala man lamang siyang nagawa para maiwasan ang trahedyang naganap sa Oplan Exodus para arestuhin ang teroristang Malaysian na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Bukod dito, binanatan rin ni Binay ang administrasyon dahil hanggang ngayon, nananatiling mailap ang katarungan at katotohanan para sa mga iniwang mahal sa buhay ng mga SAF commandos.

Aniya, hindi madaling mag-hilom ang mga sugat na idinulot sa mga kaanak ng SAF 44 ang kanilang pagka-sawi, lalo pa ngayon na marami nang lumalabas na patunay na nagkaroon talaga ng pagkukulang ang pamahalaan sa nangyari.

Matatandaang lumabas sa mga imbestigasyon na maigi na palang binabantayan ni Pangulong Aquino ang operasyong ito mula sa umpisa pa lang kaya imposibleng hindi niya alam ang nangyari.

Gayunpaman, lumalabas rin na kahit na alam niya ang lahat ng nangyayari, wala siyang ginawa para tulungan ang mga SAF commandos na unti-unti nang itinutumba ng mga kalaban.

Nagpahayag rin ng pagka-dismaya si Binay dahil sa kabila aniya ng napakaraming imbestigasyon na isinagawa, bigo pa ring matukoy kung sino o sinu-sino talaga ang mga dapat managot sa Mamasapano incident.

Pumalpak rin aniya ang mga imbestigasyon na palutangin ang katotohanan sa mga pangyayari sa naturang operasyon.

TAGS: Binay on mamasapano anniversary, Binay on mamasapano anniversary

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.