23 kabilang ang 9 na sundalo sugatan sa mga pagsabog sa Cotabato at Maguindanao
Sugatan ang hindi bababa sa 22 katao kabilang ang siyam na sundalo sa serye ng mga pagsabog sa Cotabato at Maguindanao, Linggo ng gabi.
Sa panayam ng Inquirer kay Western Mindanao Command (Wesmincom) spokesperson Major Marvin Encinas, sinabi nitong naganap ang unang pagsabog bandang alas-6:00 ng gabi sa Sinsuat Avenue sa Cotabato City.
Labing-anim katao umano ang nasugatan kasama ang siyam na sundalo matapos pasabugan ng granada ng hindi pa nakikilalang suspek.
Target anya ang mga sundalong sakay ng Army truck na dadaan lang sana sa lugar.
Naganap ang pagsabog bago ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes sa Shariff Kbunsuan Complex sa Cotabato para mamahagi ng land titles sa mga benepisyaryo ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Itinuro ni Encinas ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nasa likod ng pag-atake.
Sa katabing bayan naman na Libungan, limang sibilyan ang nasugatan sa pagpapasabog ng homemade bomb alas-6:12 ng gabi ayon kay Cotabato Gov. Nancy Catamco.
Sa Upi, Maguindanao, dalawang sibiyan din ang nasugaran matapos ang isa pang pagsabog.
Ayon sa Upi Police, sinubukan pang hagisan ng isang bomba ang istasyon ng pulis ngunit hindi sumabog.
Nanawagan ngayon ang mga awtoridad na manatiling alerto at isumbong ang mga kahina-hinalang tao o kaganapan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.