Binabantayang bagyo, tatama sa kalupaan ng Eastern Visayas o Caraga sa Bisperas ng Pasko
Unti-unti nang lumalapit sa bansa ang binabantayang tropical storm na may international name na “Phanfone.”
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang bagyo sa layong 1,265 kilometers Silangang bahagi ng Mindanao.
Papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bandang Linggo, December 22, ng gabi o Lunes, December 23, ng madaling-araw.
Oras na pumasok sa loob ng bansa, tatawagin na itong Bagyong Ursula.
Ani Clauren, babaybayin nito ang buong bahagi ng Visayas.
Inaasahang tatama ang bagyo sa kalupaan ng Eastern Visayas o Caraga region sa Martes ng gabi o Bisperas ng Pasko (December 24).
Kasunod nito, maliban sa paghahanda para sa noche buena, pinaghahanda rin ng weather bureau ang mga residente sa nabanggit na lugar sa posibleng epekto nito.
Magdudulot aniya ito ng moderate to occasional heavy rains sa Eastern Visayas at northeastern Mindanao.
Samantala, easterlies ang patuloy na nakakaapekto sa Silangang bahagi ng Luzon at Visayas.
Wala naman aniya itong naidudulot na malawakang pag-ulan kaya maaliwalas pa rin ang nararanasang panahon sa buong bahagi ng Luzon.
Samantala, tuluyan nang nalusaw ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Timog-Kanlurang bahagi ng Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.