Timbog ang tatlo katao kabilang ang isang city hall employee sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. 14, Zone 1, Pasay City, Martes ng gabi.
Ikinasa ng Pasay City Police ang operasyon matapos ang isang buwang surveillance sa estudyante na si alyas ‘Enteng’.
Nakuhaan si Enteng ng 27.4 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng higit P186,000.
Arestado rin ang ama ng estudyante na nakilalang si Alfredo Sebastian, 10 taon nang driver ng Pasay City Rescue.
Ayon kay Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) investigator Pol. Cpl. Zeus Rex Magdasoc, ginagamit ni Sebastian ang posisyon para hindi maisumbong sa baranggay ang kanilang pagtutulak.
Pero nasa drugs watchlist pala si Enteng pati ang isa nitong kababata na sinasabing kasabwat sa pagbebenta ng droga.
Mariing pinabulaanan ng mga suspek ang alegasyon.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Compehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.