Revised version ng BBL, pagbobotohan sa Kamara sa Enero 27
Tiwala si House Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Chairman Rufus Rodriguez na may numero na sila para maipasa ng Mababang Kapulungan ang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region o BLBAR.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Rodriguez na target nila na mapagbotohan ang BLBAR sa Miyerkules (January 27, 2016).
Ayon kay Rodriguez, malaki ang posibilidad na mapagtibay ng Kamara ang BLBAR, basta’t may presensya ng quorum sa House plenary.
Ani Rodriguez, kailangan lamang na maituloy ang period of amendments sa BLBAR bukas (January 25) at sa Martes (January 26), para sa Miyerkules ay maisagawa na ang botohan.
Apela naman ni Rodriguez sa mga kasamahang Kongresista, dumalo sa tatlong araw na sesyon upang matapos na ang diskusyon at maisakatuparan na ang BLBAR voting.
Hinimok din ng Ad Hoc Panel chairman ang mga Kongresistang anti-BLBAR na maging present sa sesyion upang mailatag nila ang kanilang amyenda at maihayag ang kanilang saloobin sa panukala.
Giit ni Rodriguez, naaayon sa Saligang Batas ang BLBAR, at katanggap-tanggap na matapos amyendahan o tanggalin ang nasa apatnapung probisyon, kabilang na ang kontrobersyal na opt-in provision.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.