2 holdaper patay, pulis kritikal sa engkwentro sa Maynila
Nasawi ang dalawang holdaper habang kritikal ang kondisyon ng isang pulis matapos mauwi sa engkwentro ang follow-up operation sa Sta. Cruz, Maynila, Huwebes ng madaling-araw.
Ayon kay Sta. Cruz Police chief Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, may nangyaring insidente ng panghoholdap sa bahagi ng Blumentritt.
Dahil dito, nagkasa ng patrolya ang mga miyembro ng Blumentritt PCP.
May tumawag na isang concerned citizen at itinuro ang pinagtataguan ng umano’y mga miyembro ng hold-up gang sa may riles sa Antipolo St. cor Tomas Mapua St.
Pero hindi pa man tuluyang nakakalapit ang mga pulis, nagpaputok na agad ang suspek na nakilalang si Rodel Vicente.
Dahil dito gumanti ng putok ang mga pulis at nauwi ang operasyon sa engkwentro na agad na ikinamatay ni Vicente.
Natamaan naman ng bala ang pulis na si PCpl. Edwil Bombase at kritikal ngayon ang kondisyon sa Jose Memorial Hospital.
Matapos ang engkwentro, nag-utos ng dragnet operation si Magdaluyo kaya’t itinayo ang Oplan Sita sa Rizal Avenue cor Quiricada Street.
Dito, nasita ang lalaking kinilala si Antonio Yap dahil sa kahina-hinalang kilos.
Pero hindi lumapit ang suspek at agad na pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang mga pulis kay Yap na kanyang ikinamatay.
Napag-alaman na kalalaya lamang ni Yap noong Oktubre dahil sa kasong robbery.
Nakuha mula sa mga suspek ang parehong 9mm black pistol na ang isa pa ay government-issued, kalibre .38 na revolver, hinihinalang shabu na may bigat na 50 grams, P130,000 na pera, 26 na kapsula ng drug enhancer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.