Duterte hindi makikipag-areglo sa Maynilad at Manila Water
Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na walang kompromisong magaganap sa pagitan ng gobyerno at water firms na Maynilad at Manila Water.
Ito ay hangga’t hindi umano nakakapulong ng presidente ang mga nasa likod ng concession agreements na pinasok ng administrasyong Ramos noong 1997.
“They say na, “‘aregluhin natin. How? How will I compromise? That’s plunder. That is the classic economic plunder,” sabi ng pangulo sa talumpati sa Malacañang araw ng Lunes.
Matatandaang inalmahan ng presidente ang probisyon sa mga kontrata na bawal pakialaman ng pamahalaan ang singil sa tubig.
Pinagbabayad ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore ang gobyerno ng P7.4 bilyon sa Manila Water at P3.6 bilyon naman sa Maynilad para sa umano’y mga lugi dahil sa hindi pagpayag sa water rate increases.
Ayon sa pangulo, ilang taon nang pinagbabayad ng water firms ang taumbayan para sa water treatment na hindi naman naisakatuparan.
Dumagdag pa ang corporate income tax na ipinasa rin sa consumers.
“The fact alone that all these years, we were paying a fee para sa water treatment which never came into being all these years. Then corporate income tax was passed on to the Filipino people,” dagdag ng pangulo.
Hindi naman nakaligtas kay Duterte ang dalawang nagdaang administrasyon sa kabiguang masilip ang maanomalyang concession agreements.
“I cannot imagine two administrations allowing our sovereignty to be bargained away,” ayon sa presidente.
Hindi naman malinaw kung kung anong mga administrasyon ang tinutukoy ng pangulo gayong tatlong administrasyon ang dumaan matapos ang gobyerno ni Ramos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.