Sen. Estrada, umapelang itulad kay Enrile ang pag-proseso sa petition for bail niya
Sa kabila ng maka-ilang ulit na pag-basura sa kaniyang petisyon, muli na namang umapela si Sen. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan na payagan siyang makapag-piyansa.
Sa kaniyang muling pag-hain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan Fifth Division para baliktarin ang una na nitong pag-basura sa kaniyang mga petisyon, umapela na rin siya na gamitin sa kaniya ang parehong prosesong ginamit sa kapwa niyang akusado na si Sen. Juan Ponce Enrile.
Iginiit ni Estrada na tulad ng kay Enrile, dapat ikinonsidera rin ng korte ang hindi niya pagiging “flight risk” sa pagde-desisyon sa kaniyang petisyon na makapag-pyansa.
Ang isang “flight risk” ay ang isang akusadong may posibilidad na tumakas o umalis ng bansa para makaiwas na mahatulang guilty.
Matatandaang pinagkalooban ng bail ng Supreme Court si Enrile mula sa pagkaka-ditine niya sa ospital dahil sa masamang lagay ng kalusugan, katandaan at political stature dahil kasalukuyan pa rin siyang nanunungkulan bilang senador.
Hindi rin nakitaan ng korte si Enrile ng posibilidad na makatakas dahil na rin sa kusa nitong pag-suko sa mga otoridad, na siya ring ginawa ni Estrada noong June 2014 nang kasuhan siya ng plunder.
Kaya naman umapela si Estrada sa Sandiganbayan na gamitin rin sa kaniyang application for bail ang ginawa kay Enrile dahil pareho rin lang naman silang sumuko.
Bukod dito, inilaban din ni Estrada ang aniya’y “inconsistencies” sa mga testimonya ng mga testigo partikular na ng kay Benhur Luy.
Ani Estrada, bagman idinidiin siya ni Luy sa kaso, hindi naman nito mapatunayang tumanggap talaga si Estrada ng kickback mula kay Janet Lim-Napoles, sabay sinabing hindi maaasahan ng korte ang mga daily disbrsement ni Luy dahil tampered ang mga ito.
Tinanggihan ng Sandiganbayan ang petition for bail ni Estrada dahil sa umano’y matibay na ebidensyang nag-papatunay na siya ay may pananagutan sa mga kasong isinampa sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.