‘Walang naganap na frame-up’ – PDEA Dir. Cacdac
Mariing itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na frame-up lang ang pagkaka-aresto kay Lt. Col. Ferdinand Marcelino.
Ito ang reaksyon ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr. sa hinala ni Marcelino na maaring may mga ma-impluwensya at mga makapangyarihang taong nasa likod ng pagkaka-aresto sa kaniya.
Iginiit ni Cacdac na imposibleng frame-up ito kay Marcelino dahil ni wala nga ang pangalan nito sa mga target nilang hulihin sa isinagawa nilang operasyon sa Sta. Cruz, Maynila.
Ani Cacdac, ang pakay ng kanilang operasyon ay patunayang isa ngang laboratoryo ng iligal na droga ang isang bahay na matagal na nilang tinitiktikan ng kanilang mga tauhan kasama ng mga ahente ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG).
Pinabulaanan rin ni Cacdac ang umano’y koneksyon sa PDEA ng isa pa sa mga nahuli na si Yan Yi Shou na sinasabing interpreter ng ahensya.
Ani Cacdac, walang opisyal na kasunduan sa pagitan ng PDEA at ni Yan, at ang tanging koneksyon lamang nito sa ahensya ay sa pamamagitan ng isang militar na dati ring naitalaga sa kanila.
Depensa ni Cacdac, hindi dapat sisihin ni Marcelino ang PDEA sa kaniyang pagkaka-aresto, at humanap na lang siya ng magaling na abogado para maipagtanggol ang kaniyang mga ipinaglalaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.