Pilipinas mag-aangkat ng galunggong sa China at Vietnam
Mag-aangkat ang Pilipinas ng galunggong mula sa China at Vietnam para pahupain ang pagsipa ng presyo nito sa pamilihan.
Pumalo na hanggang sa P300 kada kilo ang presyo ng tinatawag na ‘poor man’s fish’.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang mataas na presyo ay dahil sa limitadong suplay bunsod ng fishing ban sa ilang bahagi ng bansa, paglamig ng klima at epekto ng Bagyong Tisoy.
Pero ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona, posibleng nagkakaroon din ngayon ng manipulasyon sa presyo ng galunggong.
Upang mapunan ang kakulangan, sinabi ni Gongona na kailangang mag-angkat ng bansa ng 45,000 metriko toneladang galunggong mula sa China at Vietnam.
Ang planong pag-angkat ay tinutulan naman ng grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
Ayon sa grupo, bukod sa makakaapekto ito sa hanapbuhay ng lokal na mangingisda, posible ring may kemikal na formalin ang mga isdang aangkatin mula sa China.
Pagtitiyak naman ng BFAR, dadaan sa masusing inspeksyon ang isda bago ibenta sa merkado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.