DOH nanindigan na tumalima sa Maximum Drug Retail Prices
Nanindigan ang Department Of Health (DOH) na nagrekumenda na sila ng bagong listahan ng mga gamot sa Office of the President nitong nakalipas na Setyembre para sa pagpapatupad ng maximum drug retail prices (MDRP), alinsunod sa Cheaper Medicines Act of 2008.
Pahayag ito ng DOH, sa harap ng pinakahuling ulat ng Bayan September Report, na isinagawa ng Pulse Asia, kung san 99% ng mga tinanong na mga Filipino ang nagsabing hindi nila nabibili ang lahat ng gamot na naireresita sa kanila sa katwirang mahal presyo ng mga ito.
Sa nasabing ulat, 23% ang nagsabing hindi accessible ang murang gamot, 16% ang nagsabing walang gamot sa kanilang lugar; 4% ang nagsabi na wala silang oras na makabili ng gamot at 2 % naman ang nagsabing hindi na nila kailangang kumuha pa ng gamot.
Pero ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ang kanilang inirekomendang murang gamot ay sakop ang 122 uri ng medisina para sa hypertension, diabetes, sakit sa puso, sakit sa baga at mga komplikasyon sa pagdadalantao.
Sakop din ang mga gamot para sa chronic renal disease, psoriasis, at rheumatoid arthritis na labis na hinahanap ng maraming patient organizations at medical societies.
Sa mga piling gamot sa ilalim ng maximum retail price scheme, inaasahang mababawasan ng apatnaput’tatlong porsyento ang presyo ng mga gamot na mas mura kumpara sa prevailing price sa merkado, sakali naman mapirmahan na ng pangulo ang executive order para sa MDRP
Iginiit pa ni Duque, ang DOH ay nakikipag-tulungan na sa lahat ng stakeholders para sa pagbuo ng framework na magsisiguro na makukuha ng mamamayan ang abot-kayang presyo ng gamot.
Ito din anya ang nakapaloob sa MDRP na poprotekta sa mga pilipino sa gastusin na mahalagang aspekto ng Universal Health Care reforms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.