Pilipinas kulelat sa reading comprehension ayon sa isang global survey
Pinakamahina ang reading comprehension ng mga Filipino kumpara sa 78 bansa o lahi ayon sa literacy assessment na isinagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD).
Isinailalim ang 600,000 15-anyos na estudyante mula sa 79 bansa kabilang ang Pilipinas sa dalawang oras na 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) exam.
Batay sa resulta ng pagsusulit, isa sa kada apat na estudyanteng Pinoy ay hindi man lamang makakumpleto ng isang basic reading task.
Nagtala lamang ang Filipino students ng average reading score na 340, pinakamababa sa mga bansang isinailalim sa survey at mababa rin sa OECD average na 487 points.
Ayon sa OECD, mahalaga ang reading proficiency sa kahit pinakapangkaraniwan na aktibidad ng tao.
“Reading proficiency is essential for a wide variety of human activities – from following instructions in a manual; to finding out the who, what, when, where and why of an event; to communicating with others for a specific purpose or transaction,” ayon sa OECD.
Posible umanong nagpabago sa paraan ng pagbasa at pagpapalitan ng impormasyon ng tao ang lumalagong teknolohiya.
Samantala, bukod sa reading comprehension, halos nangulelat din ang Pilipinas sa Science at Mathematics.
Nagtala ang bansa ng 353 points sa Science at 357 points sa Mathematics na kapwa pangalawa sa pinakamababa.
Ang Beijing, Shanghai, Jiangsu at Zhejiang sa China ang nanguna sa lahat ng kategorya.
Pumangalawa naman ang Singapore at pumangatlo ang Macau.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.