Panukala upang palakasin ang sports sa bansa, nais isulong sa Kamara
Pinag-aaralan na ni House Committee on Youth and Sports Development Chairman Eric Martinez ang mga panukalang batas para sa pagpapalakas ng sports sa bansa.
Ayon kay Martinez, kasama ng Kamara sa pag-aaral dito ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympics Committee (POC) at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pagkakaroon ng Philippine Sports Academy para sa mga atleta.
Planong itayo ang akademya sa bagong itinayong sports hub sa New Clark City Capas, Tarlac na magsisilbing school at training ground para sa mga atleta at coaches ng bansa.
Tiniyak din ni Martinez na mamadaliin na rin nila sa Kamara ang pag-apruba sa Department of Sports at kumpiyansang ito ay susuportahan din ng counterpart bill ng Senado.
Sinabi ng mambabatas na batid nito na maraming uri ng sports sa Pilipinas na hindi natutukan na maaari palang ipanglaban sa mga malalaking sporting events tulad ng Olympics.
Mas naka-focus anya ang bansa sa Basketball, Volleyball at Football kaya hihimayin nila sa Kongreso ang iba pang sports na may malakas na panlaban din ang mga Filipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.