MMDA magdaragdag ng tauhan sa EDSA para asistihan ang convoy ng mga delegado ng SEA Games
Magdadagdag na ang MMDA ng kanilang mga tauhan sa mga yellow lane sa EDSA para sa inaasahang convoy ng mga delegado ng SEA Games na dadaan dito patungong Philippine Arena para sa opening ng 30th SEA Games.
Ayon kay MMDA EDSA Traffic Czar Bong Nebrija, bukod sa 325 na traffic enforcers nila na regular na nakadeploy sa EDSA kung saan 122 dito ay nakasentro ang trabaho sa yellow lane, may karagdagan pang 95 traffic personnel ang ipupwesto sa EDSA na tututok lamang talaga sa yellow lane.
Sisimulan anya ang deployment ng mga ito alas 11:00 pa lamang ng umaga ng Sabado.
Makikita na anya sa EDSA ang kanilang mga tauhan na may mga dala pang placards para i-guide ang mga motorista lalo na nag mga private vehicles kung saan sila nararapat, dahil mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa kanila sa yellow lane para bigyang prayoridad ang convoy ng lahat ng delegado sa SEA Games.
Hindi na anya maglalatag ang MMDA ng sangkaterbang mga orange barriers sa EDSA o sa mga ruta ng SEA Games delegates bagkus, mas makikita ang mala-human barriers nilang mga traffic enforcers para magmando ng daloy ng traffic.
Muli ring nakiusap ang MMDA sa mga motorista na maging mas responsable sa paggamit ng kalsada at hanggat maari, huwag nang ugaliing bumuntot sa mga convoy ng mga delegado dahil lalong magkakaroon ng abala kapag sinita kayo ng mga police escorts ng delegado.
Sa monitoring ng MMDA, ang dating 268,000 na volume ng sasakyan sa EDSA kada araw simula noong Agosto, lumobo pa ito sa 405,000 per day at tinatayang aabutin pa ng 480,000 na sasakyan sa EDSA ngayong panahon ng SEA Games at Christmas season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.