4 na Chinese, nahuli sa NAIA dahil sa pekeng pasaporte
Nahuli ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese national dahil sa pekeng pasaporte.
Sa ulat ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ng BI, nahulihan ang apat na Chinese ng pekeng Paraguayan passports sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong November 18.
Dumating sina Chen Zhijian, Wang Wenjie, Wang Anding at Wang Mingdi sakay ng Emirates Airways mula Dubai.
Batay sa report ni BI TCEU member Kate Martinez, sa pagsalang sa assessment ng mga Chinese, nabigo ang mga ito na makapagsalita ng basic Spanish.
Nabigo rin aniyang makapagprisinta ng iba pang identification document ang apat para patunayang residente ng nasabing bansa.
Sa isinagawa namang eksaminasyon ng forensic documents laboratory ng ahensya, lumabas na peke ang mga pasaporte ng apat.
Dahil dito, inamin din ng apat ang kanilang totoong nasyonalidad at isinuko ang Chinese passports na nakatago sa kanilang bagahe.
Ayon naman kay BI TCEU Chief Ma. Timotea Barizo, mapapasama ang apat na blacklist ng ahensya para hindi na muling makapasok ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.