PHISGOC, nag-sorry sa mga atleta ng Timor-Leste, Myanmar at Cambodia
Humingi na ng paumanhin ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa mga atleta ng Timor-Leste, Myanmar at Cambodia.
Ito ay matapos matulog sa carpet sa airport ang mga atleta dahil sa kawalan ng sasakyan na susundo.
Nadala naman sa maling hotel ang mga atleta ng Timor-Leste.
Dahil sa mga kapalpakan, hindi na nakapag-practice ang mga atleta.
Ayon kay Ramon Suzara, chief operating officer ng PHISGOC, pinagsusumikapan na ng kanilang hanay na hindi na maulit ang insidente at mabigyan ng komportable at maayos na akomodasyon ang mga atleta.
Ayon kay Suzara, sa kaso ng football team ng Timor-Leste, nadala ang mga atleta sa Century Hotel gayung dapat ay sa Jotel Jen. Pero agad ito aniyang nagawan ng paraan at nabigyan ng shuttle.
Sa kaso naman ng Cambodian football team, nagkaroon ng pagbabago sa arrival details at huli na nang naabisuhan ang PHISGOC. Dumating aniya ang Cambodian team ng 4:00 ng umaga at nabago kaysa sa original na schedule.
Pero dahil 2:00 ng hapon ang standard check-in time, nag-request na lamang ang PHISGOC na bigyan ng air-conditioned na kwarto ang mga atleta na may kasamang mesa at upuan para maging komportable at makapagpahinga.
Ayon kay Suzara, sa nakalipas na dalawang araw, 75 international arrivals ang naitala sa Pilipinas pero tatlo lamang ang nagka-aberya.
Humihingi ng paumanhin si Suzara sa kapalpakan ng PHISGOC at nangakong aayusin na nila ang kanilang trabaho.
Magsisimula ang SEA Games sa bansa sa November 30 at tatagal ng hanggang December 11.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.