Honasan, handang isuko si Binay sakaling mapatunayang ‘guilty’
Mismong si United Nationalist Alliance (UNA) vice presidential candidate Sen. Gringo Honasan ang magpapasuko kay Vice President Jejomar Binay, sakaling mapatunayang totoo ang mga akusasyon ng katiwaliang ibinabato sa kaniya.
Ito ang hayagang paninindigan ni Honasan kasabay ng pahayag na siya pa mismo ang mauunang magsabi kay Binay na sumuko na sa mga otoridad kung siya ay mapapatunayang guilty, basta’t mayroong mga kaukulang utos na ilalabas ang korte hinggil dito.
Ani Honasan, hindi dapat suwayin ang mga patakaran nang dahil lang sa kampihan sa pulitika.
Nang tanungin naman si Honasan sa kung paano napapanatili ni Binay ang kaniyang mataas na posisyon sa surveys sa kabila ng mga kasong katiwalian na isinampa laban sa kaniya, ipinaliwanag ng senador ang diskarte ng kaniyang ka-tandem.
Aniya, kilala si Binay sa mga mahihirap dahil siya mismo ay nanggaling sa hirap, at sa tuwing dumadalaw siya sa mga mahihirap na lugar, wala siyang alinlangang maki-sama sa kanila.
Si Binay aniya mismo ang lumalapit sa kanila at hindi na hinihintay pang ang mga tao ang pumunta sa kaniya.
Ito aniya ang malakas na laban ng kaniyang ka-tandem sa mga kalaban nito, at huli na ang lahat para gayahin pa ito ng ibang kandidato dahil tumatak na aniya ito kay Binay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.