Sinupalpal ng Malakanyang ang pahayag ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi maaring buwisan o singilin ng income tax ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa opinyon kasi ng OSG na isinumite sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Bureau of Interneal Revenue (BIR), sinabi nito na hindi maaring buwisan ang mga POGOs dahil ang kinikitang pusta sa sugal ay galing sa labas ng bansa.
Pero ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakasaad sa Section 23 (E), Chapter II ng National Internal Revenue Code (NIRC) na ang mga POGOs na domesctic corporations at may operasyon sa Pilipinas ay obligadong magbayad ng buwis kahit pa ang kita ay galing sa labas ng bansa gaya ng mga online bettors.
Sinabi pa ni Panelo nakasaad naman sa section (F) ng chapter II ng NIRC na maari ring buwisan ang mga foreign corporations na POGOs pero sa kinikita lamang mula sa loob ng bansa.
Dagdag pa ni Panelo na may karapatan ang estado na maningil ng buwis sa isang indibidwal o korporasyon gaya ng isinasaad sa Korte Suprema dahil ito ay lifeblood ng bansa at ginagawnag pang tustos sa pondo sa mga programa ng gobyerno.
Tinatayang aabot sa P200 bilyon ang income na nakukuha sa mga POGOs sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.