Road-clearing operation sa Kawit, Cavite umarangkada na sa harap ng inaasahang pagbubukas ng Sangley airport at POGO hub
Matapos makakuha ng mataas na marka na 98 percent mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa pagtugon sa direktiba sa road clearing, inaalis naman ng Munisipalidad ng Kawit sa lalawigan ng Cavite ang mga sagabal sa kanilang mga pangunahing lansangan, maging sa secondary roads na may nakatayong illegal structures. Ito ay sa gitna nang mga nagpapatuloy na konstruksiyon ng malalaking proyekto at iba pang development projects.
Mismong si Kawit Mayor Angelo Emilio Aguinaldo ang nanguna sa pag-aalis ng mga istruktura at outposts sa Zeus Intersection at iba pang secondary roads.
Ito ay sa harap nang inaasahang pagtatapos ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at pag-arangkada ng road project na mag-uugnay sa Kawit patungo sa Sangley Airport, na magbubukas patungo sa iba pang lugar sa Metro Manila at Laguna. Ang mga naturang proyekto ay inaasahang magdudulot ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa lugar ayon sa alkalde.
Mula sa 100,000 mga sasakyan na gumagamit sa Cavite Expressway (CAVITEX) araw-araw ay 190,000 na mga behikulo na ang dumadaan sa Kawit matapos buksan ang bagong access roads. “Bacoor used to be the only entry point to Cavite from Manila. Since CAVITEX started its operations and because of the heavy traffic in Bacoor, more vehicles now opt to go through Kawit,” sabi ni Aguinaldo.
Maliban sa Sangley Airport development project na inisyatiba ng Malacañang para mapaluwag ang flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang pagpapatayo ng 70-hectare POGO (Philippine offshore gaming operator) hub sa Island Cove and Animal Island sa Barangay Pulvorista ay inaasahang magdadala ng mahigit 20,000 Chinese sa munisipalidad ng Kawit. “The road-clearing operations will give more space for our roads and intersections, and are part of our preparations for the many projects and developments lined up for our municipality,” ayon pa kay Aguinaldo.
Magiging kaagapay din ng lokal na pamahalaan sa pagtanggal sa illegal terminals at relokasyon sa illegal vendors sa main thoroughfare ay ang Association of Barangay Captains (ABC).
Ang Kawit ang nanguna sa assessment ng DILG at nakakuha ng high-performance rating na 98 percent sa kampanya para paluwagin ang mga kalsada sa anumang sagabal bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte at memorandum mula sa DILG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.