Bawas-pasahe sa jeep, gustong isulong ng transport groups
Dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel, ang mga transport groups na ang nananawagan na ibaba ang kasalukuyang minimum fare sa mga pampublikong jeepney sa Metro Manila.
Hihilingin ng grupong Alliance of Concerned Transport Organizations o ACTO na bawasan na ng singkwenta sentimos ang kasalukuyang minimum fare sa unang apat na kilometrong byahe ng jeepney.
Ang naturang panukala ay suportado rin ng grupong Piston o Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide.
Sakaling maaprubahan ng LTFRB, bababa ang singil sa pasahe sa P7.00 mula sa dating P7.50.
Ang hiling na ito ay bunga ng patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo kabilang na ang presyo ng diesel.
Kasabay ng hiling na rollback sa presyo ng pasahe, nananawagan naman ang ACTO sa Department of Trade and Industry na ibaba ang presyo ng mga spareparts ng mga sasakyan upang makatulong sa mga jeepney drivers at operators.
Sa pinakahuling rollback na nagsimula ngayong araw, magbababa ng P1.45 kada litro sa presyo ng diesel ang Pilipinas Shell, Petron at Total samantalang piso naman ang bawas sa presyo ng gasolina. Samantala, P1.25 naman ang ibababa sa halaga ng kerosene ng Petron at Shell.
Magbababa rin ng presyo ng P1.50 kada litro sa diesel ang Eastern Petroleum samantalang P1.10 naman sa gasolina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.