Kanto ng Padre Faura at R. Blvd., isinara sa daloy ng traffic dahil sa inabandonang trolly bag
(UPDATE)Halos dalawang oras ding isinara sa daloy ng traffic ang kanto ng Roxas Bouelvard at Padre Faura sa Maynila.
Sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinimulan ang pagsasara ng bahagi ng kalsada pasado alas 6:00 ng umaga ng Huwebes, Nov. 14.
Ito ay makaraang may makitang abandonadong itim na trolly bag sa service road ng Roxas Blvd., sa harapan ng Golden Empire Tower.
Agad kinordonan ang lugar at sinuri ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) bomb squad ang bag.
Nang mabuksan ang itim na trolly bag ay nakitang puro plastik lamang at mga damit ang laman nito.
Alas 7:20 ng umaga nang ideklarang cleared sa anumang banta ng pagsabog ang lugar.
Dumating naman ang nagpakilalang may-ari ng bag na si Ginang Josephine Catama na taga-Norzagaray, Bulacan.
Mangiyak-ngiyak na kwento ni Catama, siya ay nasalisihan at nakuha ang kanyang bag kaninang alas 3:00 ng madaling araw.
Natutulog aniya siya sa footbridge nang mapansin niya na nawawala ang kanyang bagahe.
Sinabi ni Ginang Catama na mag-aapply sana siya ng trabaho sa Makati.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.