Bagyong #RamonPH napanatili ang lakas, bahagyang bumilis
Napanatili ng Tropical Storm Ramon ang lakas nito habang kumikilos sa karagatan sa Silangan ng Bicol Peninsula.
Huling namataan ang bagyo sa layong 400 kilometro Silangan ng Legazpi City, Albay.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Kumikilos na ang Bagyong Ramon sa bilis na 15 kilometro bawat oras sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran.
Bukas ng gabi (Nov.14), inaasahang mas lalapit pa sa Bicol area ang bagyo at malaki pa rin ang posibilidad na tumama sa Cagayan-Isabela area sa Sabado (Nov.16).
Sa ngayon, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa Catanduanes.
Signal no. 1 naman sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Eastern Samar at Northern Samar.
Mamayang madaling-araw, posibileng nakataas na rin ang signal no. 1 sa Pollilo Islands, Northern Aurora, at Eastern Isabela.
Ngayong gabi hanggang bukas ng gabi, mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan sa Camarines Norte, Camarines Sur at silangang bahagi ng Cagayan at Isabela.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malakas na pag-ulan ang iiral sa Apayao, Aurora, Quezon, Marinduque, at nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, at Bicol Region.
Huwebes naman ng gabi hanggang Biyernes ng gabi, mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan ang mararanasan sa silangan bahagi ng Cagayan and Isabela.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malakas na pag-ulan ang iiral sa Bicol Region, Marinduque, Romblon, Quezon, Aurora, at Apayao.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lalawigan sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Ramon at Amihan, nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga sumusunod na lugar:
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– Batanes
– Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– Isabela
– Aurora
– Quezon kasama ang Polilio Islands
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.