Bp. David handang tumulong sa gobyerno para sa rehab ng drug dependents
Nag-alok ng tulong sa gobyerno si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David para sa rehabilitasyon ng mga lulong sa iligal na droga.
Ayon kay David, ‘long overdue’ na ang planong pagkuha ng gobyerno ng mas maraming health workers para tugunan ang adiksyon sa droga ngunit hindi pa naman anya huli ang lahat.
Sinabi ng obispo na dapat maamin na ng gobyerno na isang sakit ang drug addiction.
“(It is) long overdue but never too late if they can admit what we have been insisting on all along—that drug addiction is basically a health issue,” ani David.
Taong 2016 nang pasinayaan sa Diocese of Kalookan ang ‘Task Force Salubong’, ang anim na buwang rehabilitation program para sa mga lulong sa droga sa Caloocan, Malabon at Navotas.
Ang ‘Salubong’ ay isang community-based rehabilitation program kung saan binibigyan ang drug dependents ng psychological orientation.
Tinuturuan din sila ng livelihood programs upang maibalik sa normal ang kanilang mga buhay.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na humahanap na ang gobyerno ng pondo para sa pagkuha ng mas maraming psychologists at psychiatrists para sa mga rehabilitation centers sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.