Estado ng mga atletang Filipino, nais paimbestigahan sa Kamara
Nais paimbestigahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa Kamara ang kaawa-awang estado ng mga atletang Filipino sa bansa.
Sa House Resolution no. 505 na inihain ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, hiniling niya sa House Committee on Youth and Sports Development na silipin ang tinawag niyang “sorry state”ng mga manlalarong Filipino.
Paliwanag ng mambabatas, ito ay para malaman kung nakakatanggap sila ng kinakailangang suporta mula sa gobyerno.
Layon ng nasabing resolusyon na repasuhin ang umiiral na mga batas para masiguro na angkop ito para sa mga atleta.
Paliwanag ng kongresista na sa kabila ng sinasabing financial support ay nagrereklamo ang national athletes na hindi sapat ang natatanggap ng mga ito.
Inihalimbawa ni Barzaga ang kaso ni Chess Grand Master Wesley So na nag-champion sa World Fischer Chess Championship sa ilalim ng bandila ng Amerika makaraang madismaya sa sistema ng sports sa Pilipinas.
Tinukoy rin ng mambabatas ang kaso ng dalawang paralympic athletes na nagsabing hindi sila nakatanggap ng allowance sa loob ng dalawang taon mula nang lumahok sila sa national training pool.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.