LPA sa labas ng PAR ganap nang bagyo, posibleng pumasok ngayong araw

By Rhommel Balasbas November 05, 2019 - 05:02 AM

Naging ganap nang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, inaasahang papasok ng bansa ang tropical depression ngayong araw at papangalanan itong ‘Quiel’.

Huling namataan ang bagyo sa layong 610 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Iba, Zambales.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.

Ngayong araw, maulap na kalangitan na may pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley dahil sa northeast monsoon o Amihan.

Ang frontal system naman at ang trough ng tropical depression ay magdadala ng mga mahihina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Zambales, Bataan, Palawan at buong CALABARZON.

Apektado ng umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ) ang Caraga at Davao Region na makararanas ng makulimlim na panahon na may mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila at Bicol Region, buong Visayas at nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas ng ‘fair weather’ o maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa Batanes, northern coast ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Palawan.

TAGS: #QuielPH, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), Pagasa, Tropical Depression Quiel, #QuielPH, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), Pagasa, Tropical Depression Quiel

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.